Cardinal Rosales takot ba sa katotohanan? – Lacson
Sept 07, 2007
Tinuligsa ni Senador Panfilo Lacson nitong Lunes ang pagtutol ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales na muling imbestigahan ng Senado ang kontrobersyal na “Hello, Garci" tape at sinabing maaari ring ipatawag sa pagdinig ang lider ng Simbahang Katolika.
(GMANews.TV09/03/2007) "Maybe he doesn't want to tell the nation why he instructed Bishop Socrates Villegas to escort former military spy Vidal Doble Jr out of San Carlos Seminary and bring him to the quarters of then AFP chief of staff Gen. Efren Abu at the time," pahayag ni Lacson sa media.
Sinabi pa ng senador na walang sinuman ang dapat matakot kung ang hangad nito ay lumabas ang katotohanan.
"I know bishops are for the truth. Why is he trying to hide it? If he says 'don't investigate,' is that not hiding the truth?" dagdag ni Lacson.
Nagpulong nitong Lunes ang mga senador para plantsahin ang gagawing imbestigasyon na sisimulan sa Biyernes. Ang joint investigation ay gagawin ng Senate committees on national defense, blue ribbon, at constitutional and revision of laws.
Para naman kay Senate President Manny Villar Jr, dapat na lamang igalang ang opinyon ni Rosales tulad ng paggalang sa pananaw ng mga taong nais matuloy ang imbestigasyon.
“Lahat naman may karapatang magbigay ng komento sa ginagawa ng Senado. Naiintindihan namin na hindi lahat ng tao ay gusto na magkaroon kami ng imbestigasyon," sabi ni Villar.
Idinagdag niya na sa simula pa lang ay batid nila (mga senador na pabor sa pagbuhay sa imbestigasyon ng “Hello Garci,") na hindi sila makakukuha ang 100 percent na suporta ng publiko.
Inihayag ni Lacson na irerekomenda n'ya na ipatawag din sa imbestigasyon si Rosales ngunit depende ito sa magiging testimonya ni Villegas sa Senado.
Sinabi ni Lacson na kabilang sa puntirya ng imbestigasyon ay tiyakin na ang intelligence funds ng gobyerno ay ginagamit ng wasto.
Nitong Linggo, nagpahayag si Rosales na ang pagbuhay ng Senado sa "Hello, Garci" ay sagabal sa pagsulong ng bansa.
"Our country is not progressing because we don’t learn how to forgive each other," ayon kay Rosales.
Sinabi ni Lacson na nakatanggap siya ng impormasyon na inatasan ni Rosales si Villegas na sunduin si Doble sa San Carlos Seminary sa Makati City noong June 10, 2005.
Dinala umano ni Villages si Doble kay Abu sa Camp Aguinaldo kung saan naghihintay din ang pamilya ng dating intelligence agent.
"Maybe after Bishop Villegas testifies and tells the committees who instructed him to bring out Doble, maybe we can invite the good cardinal to shed light. Assuming Rosales was the one who issued the instructions to Villegas, we want to know who urged him to issue those instructions," dagdag ni Lacson.